Libu-libong manggagawa ng pier, lumusob ulit sa Malakanyang para igiit ang seguridad sa trabaho
Related posts
- Bagong taong walang trabaho,’ ipinrotesta ng obrero ng North Harbor
- Itigil ang panlilinlang! Dinggin ang aming panawagan!
- Sa harap ng takeover sa North Harbor: Hiling sa pasko ng obrero sa pier: Bagong TOR bago ang bagong taon
- Manggagawa ng North Harbor, todo-bantay pa rin laban sa eskirol; Memo sa pagpapaliban ng takeover, panlalansi lang
- Ports Authority, Manny Pangilinan, sinabihan: ilabas ang plano sa North Harbor
Libu-libong manggagawa ng North Harbor at residente ng mga komunidad sa pier ang nagmartsa uli sa Mendiola para igiit ang seguridad sa trabaho sa harap ng nakaambang pribatisasyon ng pier.
Sa pamumuno ng Alliance of Port/Transport Workers and Porters in North Harbor (APTWP-NH), iginiit ng mga manggagawa na baguhin ang Terms of Reference (TOR) ng pagsasapribado, dahil tinitiyak lang nito ang trabaho ng mga manggagawa sa loob ng dalawang taon pagkatapos i-award ang kontrata sa nanalong bidder.
“Panawagan namin: Baguhin ang TOR para magkaroon ng seguridad sa trabaho ang mga obrero,” sabi in Jake Azores, presidente ng APTWP-NH at United Dockhandlers, Inc., isang lokal na unyon.
“Pero dahil hindi umaaksyon ang mga nanalong bidder sa mga lehitimo naming panawagan, hinihingi namin sa gobyerno na kumilos. Gusto namin ng aksyon ng gobyerno para sa proteksyon ng obrero laban sa malawakang tanggalan,” sabi niya.
Hindi bababa sa 7,000 manggagawa ng North Harbor at manininda ang posibleng mawalan ng trabaho dahil sa pribatisasyon ng pier. Daan-daan namang pamilyang nakatira malapit sa terminal ng pier ang nahaharap sa banta ng demolisyon.
“Hangga’t hindi kami nabibigyan ng katiyakan sa trabaho, hindi kami titigil sa pagkilos sa Malakanyang, nang libu-libo,” sabi ni Azores.
“Ni hindi pa nila nakikita ang buong lakas namin,” sabi ni Azores. Patunay niya ang rali ng kanyang grupo noong Set. 15 sa Mendiola na dinaluhan ng tinatayang 3,000 manggagawa. “Kaya naming isara ang pier, at alam nila iyan,” dagdag niya, nang nangangakong lalakihan pa nila ang mga protesta kapag hindi pa rin tinugunan ang panawagan nila.
Tinuligsa naman ni Rey Sumayo, presidente ng National Federation of Workers Union-Kilusang Mayo Uno (NFWU-KMU) ang “propaganda offensive” ng mga nanalong bidder na Harbor Centre at Metro Pacific Investment Corp.
May lumabas na paid advertisement noong nakaraang linggo, na nagsasabing walang magaganap na tanggalan kapag naisapribado ang pier. “Gusto nilang lokohin ang mga manggagawa at publiko. Dalawang taon lang ang garantiya ng TOR sa mga manggagawa,” sabi ni Sumayo.
“Kilala rin ang Harbor Centre na ‘Harbor of Contractualization.’ Walang unyon doon dahil kontraktwal ang mga manggagawa at binubuwag ng manedsment ang mga unyon,” dagdag niya.
Matapos naman ang rali noong Set. 15, lumabas ang balita na nagsasabing libu-libong trabaho ang magbubukas sa pier dahil sa pribatisasyon. “Gusto nilang kabigin ang publiko at ibangga ito laban sa mga manggagawa ng North Harbor,” sabi ni Sumayo. “Pero malaking kasinungalingan ito. Ang totoo, magbabawas sila ng manggagawa kapag nag-takeover na sila.”
“May dalawang paraan ang mga nanalong bidder para magtanggal ng manggagawa. Una, sa pagko-computerize ng mga operasyon ng pier. Pangalawa, sa pagpalit sa mga manggagawa rito ng mga manggagawa sa iba nilang kumpanya,” paliwanag niya. ###
Add comment
Recent comments
- The most Filipino workers,
2 days 9 hours ago - maam / sir
2 weeks 15 hours ago - Kumusta na po ba si Athea
2 weeks 3 days ago - Kayo pulo salita. Wala kawa.
2 weeks 3 days ago - By watched this article, I
3 weeks 15 hours ago - Revelation 13:16 to 18
16.
3 weeks 15 hours ago - The SC decision is final and
3 weeks 1 day ago - really?...but on the other
3 weeks 3 days ago - Solidarity from New Zealand
4 weeks 2 days ago - Tama ka dyan mga mandadamay
4 weeks 3 days ago
Most discussed