Skip to main content

Kaanak ng mga manggagawang napatay: Gobyernong Arroyo ang maysala

Giit ng mga kaanak ng mga pinatay at inarestong manggagawa sa Black Friday Protest ngayon laban sa pagsupil sa kilusang paggawa, ang rehimeng Arroyo ang responsable sa mga ekstrahudisyal na pagpaslang at pagharas sa mga lider-manggagawa.

Inilunsad ang martsa sa Mendiola, sa pamumuno ng Kilusang Mayo Uno, bilang bahagi ng kampanyang patampukin ang mga paglabag sa mga karapatang pangmanggagawa kaugnay ng International Labor Organization (ILO) high-level-mission na magaganap sa Set. 22-29.

Bitbit ang mga larawan ng mga mahal nila sa buhay, iginiit ng mga kapamilya at kaibigan ng 92 pinaslang na lider-manggagawa simula 2001 ang katarungan para sa mga manggagawa na dumanas sa represyong “tulak ng estado” sa kanilang martsa sa Mendiola.

“Ngayong araw, ipinapaalala namin sa gobyernong Arroyo at sa pwersang armado nito ang kanilang krimen sa mga mahal namin sa buhay. Ipinapaalala rin namin sa publiko na mas masahol ang pagsupil na dinanas ng mga manggagawa sa ilalim ni Arroyo kumpara noong diktadurang Marcos,” sabi ng asawa ng pinaslang na lider-manggagawang si Gerry Cristobal.

Binaril at napatay si Cristobal, dating pangulo ng unyon sa EMI-Yazaki sa Cavite, noong Marso 10 2008 matapos makaligtas sa dalawang tangkang pagpatay. Nakilala ang namaril sa unang tangka na si SPO1 Romeo Lara, na lalong nagpatibay sa hinalang ang pulisya at militar ang nagsagawa ng pagpatay sa mga lider-manggagawa.

“Sana, mailapit ng darating na misyon ang mga biktima sa katarungan. Sana ilantad nito ang malulupit na paraan ng gobyerno para durugin ang mga unyon at iba pang oranisasyon ng mga manggagawa,” sabi ng asawa ng pinaslang na lider ng mga manggagawa sa Nestle Cabuyao na si Diosdado “Ka Fort” Fortuna.

Sa kanyang pag-uwi, binaril at napaslang si Fortuna ng mga lalaking lulan ng motorsiklo, na pinaghihinalaan ng mga miyembro ng unyon na mga bayarang pulis at militar. Namuno siya sa welga ng mga manggagawa sa planta sa Cabuyao laban sa iligal na pagsisante sa mga manggagawa at sa pagtanggi ng Nestle Philippines na magbigay ng retirement benefits.

Maglulunsad ng imbestigasyon ang mga kinatawan ng ILO sa ekstrahudisyal na pagpaslang, panghaharas, pambabansag na komunista, at gawa-gawang kaso laban sa mga manggagawa bilang tugon sa reklamong inihain ng KMU noong 2006.

Sabi ng KMU, ang pagpatay sa92 lider-manggagawa ang pinakamasahol na atake sa kilusang paggawa at pinakamalinaw na paglabag sa ILO Convention 87, hinggil sa kalayaang magtayo ng organisasyon at sumali sa mga ito at pagtatanggol sa karapatang mag-organisa.

“Sa paglulunsad ng maramihang pagpatay ng mga lider-manggagawa, ipinapakita ng rehimeng Arroyo ang desperasyon nitong durugin ang mga unyon, na dapat na siyang pinakamalinaw na patunay ng isang demokrasyang buhay,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

“Sa pamamagitan ng ILO mission, titiyakin ng mga manggagawa at maka-manggagawa na mapapanagot ang rehimeng Arroyo sa maruming rekord nito ng pagsupil sa kilusang paggawa. Maglalahad kami ng mga ebidensya na magluluwal ng pinakamatinding pagkondena sa kanya sa bansa at buong mundo,” dagdag niya. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-6293234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments