Skip to main content

Pagsagip ng DOLE sa babuyan ni Lucio Tan sa pamamagitan ng AJ, tinuligsa ng KMU

Tinuligsa ng sentrong unyong Kilusang Mayo Uno ang pagsangkot ng Department of Labor and Employment sa isang usapin sa paggawa sa pagitan ng mga manggagawa at ng Foremost Farms, Inc., isang babuyan at paggawaan ng pagkain ng baboy sa eryang Pasig-Rizal na pinag-aarian ng malaking negosyanteng si Lucio Tan at nagpapatrabaho sa halos isang libong manggagawa.

Muling pinapatunayang tagapagtanggol ito ng mga kapitalista at hindi ng mga manggagawa, naglabas ang DOLE ng Assumption of Jurisdiction (AJ) order noong Hulyo 24 bago pa man makapaglunsad ng welga ng mga manggagawa. Pinlano ng mga manggagawa na maglunsad ng welga matapos silang pagkaitan ng dagdag-sahod sa collective bargaining negotiation noong Hunyo 15.

“Sa paglalabas ng AJ bago pa man mailunsad ang welga, ipinapakita ng DOLE na mabilis ito sa pagdurog sa lehitimong protesta ng mga manggagawa sa pamamagitan ng armadong mga tauhan ng gobyerno. Malinaw na hakbangin ito para protektahan ang interes ni Lucio Tan, sa halip na itaguyod ang karapatan ng mga manggaawa sa nakabubuhay na sahod at sa pagwewelga,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

Tinuligsa ni Labog ang AJ order na pinirmahan ni DOLE Acting Sec. Romeo C. Lagman dahil lantad nitong binabawalan ang mga manggagawa, sa pamumuno ng Samahang Manggagawa ng Foremost Farms Inc.-ANGLO-KMU, “sa paggawa ng anumang hakbanging makakapagpalala sa sitwasyon.”

“Malabong pahayag ito na bukas sa pag-abuso ng manedsment. Dahil may AJ, technically, nasa ilalim ang mga manggagawa ng banta ng panunupil at panghaharas ng militar, dahil pwedeng kumilos ang militar at pulisya sa pabrika kahit anong oras kahit walang welga, sa panawagan ng manedsment,” sabi ni Labog.

“Nagpapataw samakatwid ang AJ ng takot na hadlang sa lahat ng aktibidad ng unyon.”

Dagdag pa niya: “Pinapatampok nito ang mga dahilan namin sa pagpanawagang ibasura ang kapangyarihang mag-AJ ng DOLE Secretary. Nakita na natin kung paano ito ginamit para pigilan ang mga welga at aktibidad ng mga unyon sa pangkalahatan – kahit sa mga negosyong hindi naman talaga masasabing estratehiko para sa pambansang interes.

Nakita na rin natin kung paanong nakasalalay ito sa pagpapasya lang ng DOLE Secretary at kung paano ito ginamit para magpawala ng brutal na pandarahas sa mga manggagawa, tulad sa kaso ng masaker sa Hacienda Luisita noong Nobyembre 2004.” ###

Reference Person: 
Elmer “Bong” Labog, KMU Chairperson
Contact information: 
0929-629-3234

Comments

#1 A.J FOR SALE!!!! isang

A.J FOR SALE!!!! isang lucrative business ng mga taga DOLE ang magbenta ng AJ lalu pa't nabibilang sa burgesya kumprador ang kostumer nito..hanggang sa ngayon AJ pa rin ang tanging patron ng mga kapitalista...tanging sama-samang tulungan, sama-samang tanngulan ang pina ka moog na paninindiagan ng mga manggagawa ang babasag sa sistemang ito...mabuhay ang mga manggagawa ng foremost!!! tuloy ang laban!!!!

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments