Skip to main content

Giit ng KMU: Kagyat na aksyon ng gobyerno para pigilan ang marami pang tanggalan

Disenteng trabahong tumutugon sa pangangailangan ng bansa

“Aksyon ng gobyerno para sa proteksyon ng obrero – ngayon.” Muling nangangalampag ang Kilusang Mayo Uno sa Malakanyang at DOLE sa harap ng dumaraming banta ng tanggalan, kontraktwalisasyon at pagpapaikli sa oras ng trabaho.

“Hanggang ngayon, bulag, bingi at pipi pa rin ang rehimeng Arroyo sa nagbabantang tanggalan. O ipinagyayabang nito ang mga trabahong part-time at barat ang sahod para sa mga natanggal na sa trabaho,” sabi ni Elmer “Bong” Labog, tagapangulo ng KMU.

“Pero namemeligro rin ang pagkilala sa mga unyon at tagumpay sa CBA, bukod sa mismong trabaho. Dapat kumilos na ngayon ang gobyerno, lalo na ang DOLE – hindi iyung kapag tinanggal na ang mga manggagawa.”

Mahigit 7,000 manggagawa at manininda sa North Harbor ang posibleng mawalan ng hanapbuhay dahil sa pribatisasyon ng pier. Ganoon din ang mahigit 3,000 manggagawa naman ng Pfizer at Wyeth dahil naman sa pagbili ng una sa ikalawa. Sampu-sampung libong manggagawa pa ang nanganganib matanggal sa Advan, Triumph, Goodyear, KFC at iba pa, sa pagmonitor pa lang ng KMU.

Mismong DOLE ang nagsabing may 200,000 tanggalan ang magaganap hanggang nitong Hunyo. Pero sa halip na kumilos para protektahan ang mga manggagawa, ikinampanya nito ang pleksibilisasyon ng paggawa. “Sobrang huli na ang tugon ng gobyerno,” dagdag ni Labog.

Disenteng trabaho para sa pangangailangan ng bansa
“Kailangan ding magbigay ng gobyerno ng disenteng trabahong sumasapat sa mga pangangailangan ng bansa,” dagdag niya.

“Napakaraming dapat gawin, pero walang trabaho para rito. Kailangan ng pagkain para sa lahat, pag-aralin ang mga bata, magtayo ng bahay para sa mga walang tahanan, protektahan ang kalikasan.”

“Pero hindi ito tinutugunan ng korporasyong tubo lang ang motibo. Kaya nga ang gobyerno ang dapat magbigay ng disenteng trabaho. Kailangang maging desidido ito na maglaan ng pondo.

“Pero alam nating hindi basta gagawin iyan ng rehimen. Kaya kailangang pwersahin ito ng mga manggagawa at mamamayan na kumilos pabor sa atin,” dagdag ni Labog.

“Maggigiit kami sa mga protesta hanggat di nakakamit ang mga panawagang ito. Sa panahon ng matinding krisis, kailangang kumilos ng gobyerno para ipagtanggol ang kabuhayan ng mga manggagawa at mamamayan, sa halip na ang tubo ng mga elitistang negosyante,” pagtatapos niya. #

Reference Person: 
Elmer "Bong" Labog
Contact information: 
0929-629-3234

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments