Skip to main content

Bagyong dulot ng oil price hike, tuloy-tuloy ang pananalasa

2006/05/22 - 5:45pm

Sa kabila ng paniniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na istable ang presyo ng mga bilihin matapos ang bagyong si Caloy, sinabi ng militanteng grupong Kilusang Mayo Uno (KMU) na patuloy naman ang pananalanta ng mga kumpanya ng langis sa kabuhayan ng mga manggagawa. Ikatlong beses nang nagtaas ang presyo ng langis ngayong buwan.

Nagtaas ng .50 sentimos kada litro sa presyo ng langis ang Chevron (dating Caltex Phils. Inc.),Shell Philippines at Petron. Nagtaas din ngayong araw ang Seaoil Petroleum Corp., Total Philippines Corp at Unioil Philippines Inc. May plano ring magtaas nang 50 sentimos kada kilogram ang liquefied petroleum gas (LPG). Tumaas na ng tinatayang P8.50 ang singil sa krudo simula nang pinakahuling pagtataas ng pamasahe.

Ayon kay Joel Maglunsod, Pangkalahatang Kalihim ng KMU, “Lulunurin sa mataas na presyo ng bilihin dulot ng walang katapusang pagtataas ng presyo ng langis ang mga manggagawa at mamamayan. Malawakang kahirapan ang dadanasin ngayong pagpasok ng Hunyo kung saan darami ang gastusin dahil sa muling pagbubukas ng klase.”

Duda si Maglunsod na mabibigyan ng makatwirang dagdag-sahod ang mga manggagawa ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs). “Tinayo ang RTWPB para ipako ang sahod ng mga manggagawa, wasakin ang pagkakaisa para sa across-the-board na pagtaas sa sahod at iligtas ang tubo ng mga kapitalista.”

Sinabi ng Department of Labor and Employment (DoLE) na handa nang i-proseso at i-deliberate ng RTWPBs ang mga petisyon para sa kahilingang dagdag-sahod. “Ang kailangan ng mga manggagawa ngayon ay ang kagyat na pagpasa ng P125 across-the-board na wage hike. Walang maasahan ang mga manggagawa na magkakaroon ng across-the-board na wage increase mula sa RTWPB. Mamamatay na tayong dilat kung aasa tayo sa RTWPB na iyan,” banggit ni Maglunsod.

Magsasagawa naman ng tuloy-tuloy na pagla-lobby at piket-protesta ngayong lingo ang KMU sa Konggreso para hilingin ang kagyat na pagpapasa sa umentong P125 across-the-board, across-the-country.

Add comment

The content of this field is kept private and will not be shown publicly.
  • Lines and paragraphs break automatically.
  • Allowed HTML tags: <a> <b> <address> <blockquote> <br> <caption> <center> <code> <dd> <del> <div> <dl> <dt> <em> <font> <h2> <h3> <h4> <h5> <h6> <hr> <i> <img> <li> <ol> <p> <pre> <span> <strong> <sub> <sup> <table> <tbody> <td> <tfoot> <th> <thead> <tr> <u> <ul> <tr>

More information about formatting options

By submitting this form, you accept the Mollom privacy policy.

Recent comments